Pinalakas ng House prosecution panel ang legal team nito matapos magdagdag ng limang batikang private prosecutors ilang araw bago ang pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 6.

Ang mga bagong miyembro ng prosecution team ay sina Atty. Mae Divinagracia, Atty. Arnold Labay, Atty. Reynaldo Robles, Atty. Theodore Te, at Atty. Benjamin Tolosa Jr. Sa kanilang pagpasok, umabot na sa 15 ang kabuuang bilang ng mga private prosecutors na tutulong sa House prosecutors sa paglilitis.

Kabilang sa mga bagong abogado ang mga eksperto sa criminal at civil litigation, corporate law, constitutional law, human rights, at election law. Ilan sa kanila ay nagsilbi na ring abogado ng mga kilalang personalidad at naging propesor sa iba’t ibang law schools sa bansa.

Ayon kay House prosecutor Chel Diokno, hindi nangangahulugang kulang ang kakayahan ng House prosecution panel kaya nagdagdag sila ng mga abogado. Aniya, mas kumplikado ang tungkulin ng prosekusyon dahil sila ang may pananagutang maglatag at magpatunay ng mga ebidensya, kaya kinakailangan ang mas malawak na hanay ng mga legal na eksperto para sa impeachment trial.