Limang munisipalidad sa lambak ng Cagayan ang tinukoy ng Commission on Population and Development (POPCOM) region 2 upang mapabilang sa implimentasyon ng Special Protection Program for Adolescent Mothers and Their Children.
Kaugnay nito ay pormal ng inilunsad ng ahensya ang nasabing programa kung saan 50 beneficiaries sa bawat municipalidad ang natukoy na dapat makapasok at tumanggap ng financial assistance para sa kanilang pangangailangan.
Pinasalamatan naman ni POPCOM Regional Director Herita Macarubbo ang lahat ng mga natukoy na LGUs dahil sa kanilang pagsuporta sa nasabing programa habang nangako rin silang maglalaan ng pondo upang maipagpatuloy ito sa mga susunod na taon.
Kabilang sa natukoy na munisipalidad sa probinsya ng Cagayan ay ang bayan ng Lal-lo kung saan ay nagdagdag pa ng lima ang LGU upang mapalawak pa ang mga benepisyaryong makakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
Ibinahagi ng POPCOM Region 2 ang tig P1,000 sa mga benepisyaryo sa nasabing municipalidad at ito ay saklaw na ng dalawang buwan at magpapatuloy ang kanilang pagtanggap hanggang sa Disyembre.
Ang pinaka bata sa mga benepisyaryong nakatanggap ay edad 12 kung saan nangako naman sila na ipagpapatuloy nila ang kanilang pag-aaral.
Una rito ay nakapaglunsad na rin ang ahensya ng kahalintulad na programa sa Solana, Cagayan, Diffun at Maddela sa Quirino at Roxas, Isabela.
Natukoy ang mga nasabing municipalidad dahil kabilang sila sa may mataas na kaso ng teenage pregnancy sa rehiyon.
Nabatid na pagkatapos ng anim na buwang pilot implimentation ay magsasagawa naman ng assessment ang ahensya para sa mas maayos na pagpapatupad sa susunod na taon at posibleng lumawak pa ang mga lugar na sasaklawan ng programa.