Iniimbestigahan ng British police ang limang lalaki matapos arestuhin malapit sa RAF Fairford, isang airbase na ginagamit ng Estados Unidos para sa mga operasyon laban sa Iran.

Ayon sa Counter Terrorism Police, ang limang suspek ay pawang British nationals na nasa edad 20 at nakatira sa London. Iniimbestigahan sila dahil sa posibleng paglabag sa Explosives Act at mga terrorism offense.

Isang source na pamilyar sa imbestigasyon ang nagsabing tinitingnan ang posibleng koneksyon sa Iran bilang pangunahing anggulo, habang kabilang din sa sinusuri ang posibleng Russian sabotage operation at Islamist plot.

Ayon naman kay US President Donald Trump, may plano umanong gumawa ng “big damage” ang mga suspek at matagal na silang iniimbestigahan ng British at US authorities.

Samantala, pinaigting ang seguridad sa RAF Fairford at iba pang US airbases sa Britain. Nagbabala rin ang US Embassy sa mga mamamayan nito na mag-ingat dahil maaaring nasa heightened risk ang mga pasilidad at organisasyong konektado sa Estados Unidos.

-- ADVERTISEMENT --

Naka-400-meter cordon ang paligid ng RAF Fairford at inilikas ang mga residente mula sa 85 bahay habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.