Hinuli ang limang Chinese nationals dahil sa alegasyon ng pang-eespiya sa assets ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) sa Palawan.

Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na ang ilang miyembro ng nasabing grupo ay hinuli sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na manggaling sa Palawan, kung saan sila nagsagawa umano ng aerial surveillance.

Ang dalawang suspek ay hinuli sa NAIA noong Jan. 24, isa sa Binondo, at ang isa ay sa Intramuros noong Jan. 25.

Nahuli naman ang sinasabing lider ng grupo noong Jan. 25 sa Dumaguete kung saan siya nakatira kasama ang kanyang asawa.

Ayon sa NBI, ang mga nahuli ay field commander, dalawang intelligence operatives, financier, at miyembro.

-- ADVERTISEMENT --

Ang paghuli ay matapos na magsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad kasunod ng pagkakahuli sa isa pang Chinese at dalawang Filipino dahil sa alegasyon ng pang-eespiya dalawang linggo na ang nakalipas.

Sinabi ni NBI Cybercrime Division chief Jeremy Lotoc, nakatanggap ang ahensiya ng impormasyon na may grupo ng Chinese ang nagpapanggap na buyers ng mga produkto sa Barangay Buenavista, Puerto Princesa City.

Ayon kay Lotoc, nagsasagawa ang mga ito ng aerial surveillance at reconnaisance, kummukuha ng imagery intelligence sa Naval Detachment Oyster Bay sa Barangay Bahile.

Dahil dito, nagsagawa ang NBI ng validation process at kinilala ang limang Chinese.

Nadiskubre nila na may inilagay din ang grupo na long-range CCTV sa isang high-rise condominium.

Ayon kay Lotoc, nakita ng agents ang telescope, drones, at communication devices, at 24/7 umano na minamanmanan ang galaw ng Coast Guard at naval assets sa lugar.