Patay ang limang katao at 20 iba pa ang sugatan matapos na bumaliktad ang isang mini dump truck sa Sitio San Juan, Barangay Guimbalaon, Silay City.

Ang nasabing dump truck ay pagmamay-ari ng city government ng Silay.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Silay Police Station, nagresulta ang aksidente sa limang kataong patay, pito ang critical ang kundisyon, at 13 ang nagtamo ng minor injuries.

Ayon sa mga awtoridad, lulan ang sasakyan ng 24 na job order employees ng city government, kung saan dalawa sa mga ito ang natapos ang tree planting activity sa Sitio Patag.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod, sinabi ni Lina Andrade, isa sa mga sakay ng dump truck, at asawa ng isa sa mga nasugatan, nagkaroon umano ng malfunction ang sasakyan habang dumadaan sa paakyat na bahagi ng kalsada ng umaga bago ang insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, ilang beses na tumigil ang sasakyan na dahilan para tumalon ang ilang pasahero, bagamat bumalik din sila nang makalagpas sa paakyat na bahagi ng daan.

Sinabi niya na naiwan sila sa tree planting site at laking gulat nila nang ipaalam sa kanila na nagkaroon ng aksidente, dahil sakay sa dump truck ang kanyang asawa.

Nagpapasalamat siya dahil minor injuries lang ang tinamo ng kanyang asawa.