Nasawi sa magkakasunod na engkuwentro ang limang kasapi ng New People’s Army (NPA) southwest front nitong Linggo ng umaga sa Barangay Tapi, Kabankalan City, Negros Occidental, ayon sa ulat ng Philippine Army.

Ayon kay Lt. Col. Erwin Lamzon, tagapagsalita ng 3rd Infantry Division, nagsimula ang putukan bandang 5:30 a.m.

Tatlong babae at dalawang lalaki ang nasawi, kabilang si “Ka Pungkol,” isang hinihinalang lider na may putol na kanang braso.

Narekober ng mga sundalo ang anim na M16 assault rifles, kabilang ang isa na may kasamang M203 grenade launcher.

Napag-alamang nakatago sa isang kubo sa gitna ng taniman ang grupo ng mga rebelde nang matunton ng tropa.

-- ADVERTISEMENT --

Ang operasyon ay isinagawa ng apat na yunit mula sa 302nd Infantry “Achiever” Brigade, kabilang ang 47th, 11th, at 15th Infantry Battalions, at isang yunit ng Army intelligence.

Ayon pa kay Lamzon, pinaniniwalaang nasa lugar ang mga rebelde upang mangolekta ng “revolutionary tax” habang papalapit ang halalan.