Sugatan ang limang katao matapos mahulog sa humigit-kumulang 20 metrong lalim na bangin ang isang delivery truck na may kargang itlog sa Barangay San Carlos, Gattaran, Cagayan.

Ayon kay Engr. Dennis Domingo, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Gattaran, ang truck ay nagmula sa Cauayan City, Isabela at patungo sana sa bayan ng Aparri upang maghatid ng itlog ngunit pagdating sa boundary ng Baggao at Gattaran, partikular sa mababang bahagi ng kalsada sa Barangay San Carlos, nawalan umano ng kontrol sa manebela ang driver sa sasakyan.

Ayon sa kanya posibleng nawalan ng preno ang truck habang binabagtas ang baku-bakong, kurbada, at madulas na kalsada at sa halip na masundan ang kurbadang daan, dumiretso ang sasakyan patungo sa bangin at bumagsak sa isang bahagi na may maliit na sapa.

Apat sa mga pasahero ang mabilis na nailabas at dinala sa Dr. Tomas L. Nolasco Sr. Memorial Hospital, kung saan nasa maayos na silang kundisyon.

Isa sa kanila ang nagtamo ng bali balikat at inilipat sa Tuguegarao para sa karagdagang gamutan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Domingo, nahirapan silang ilabas ang driver na naipit sa manebela ng sasakyan, kung saan umabot ng halos dalawang oras ang isinagawang pagkuha at kinalaingan pa ng technical extraction operation bago siya tuluyang mailabas gamit ang mga rescue equipment gaya ng spreaders, cutters, at boom truck

Ayon pa kay Domingo, umuulan at madulas ang kalsada nang mangyari ang aksidente.

Dagdag pa rito ang rerouting ng mga sasakyan dahil sa isang sirang tulay, dahilan upang doon dumaan ang malalaking truck at bus kahit hindi ito magandang ruta.