Limang small-scale miners ang natagpuang patay sa loob ng isang iligal umano na tunnel sa loob ng compound ng isang mining company sa bayan ng Quezon, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang mga biktima na sina Daniel Segundo Paggana, 47; Lipihon Ayudan, 56; Florencio Indopia, 63, pawang mga residente ng Barangay Runruno; at Alfred Bilibli at Joval Bantiyan, kapwa mula sa bayan ng Maddela, Quirino.
Ayon sa mga awtoridad, ang mga ito ay sangkot umnano sa illegal mining activities sa lalim na 91.44 meters at posibleng na-suffocate ang mga ito.
Nakita ng isang residente na pumasok sa tunnel ang mga bangkay at ipinagbigay-alam kay John Babliing, ang punong-barangay ng Runruno.
Nagpdala naman ang pulisya ng Quezon, Bureau of Fire Protection, at ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng rescue teams sa lugar.
Kilala ang Barangay Runruno na hot spot sa unregulated small-scale mining sa probinsiya.
Noong 2021, pinangunahan ng Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources ang multiagency sa pagbuwag sa illegal operations sa nasabing lugar.
Nagresulta ang kampanya sa pagsira sa ball mills, diesel engines at iba pang mining equipment sa ilalim ng Financial or Technical Assistance Agreement or FTAA zone ng FCF Minerals Corp.