TUGUEGARAO CITY- Inihatid na sa huling hantungan kaninang umaga ang limang miembro ng NPA na napatay sa engkwentro sa mismong kuta ng rebeldeng grupo sa Barangay Dungeg, Santa Teresita, Cagayan.

Bago ang libing, nagsagawa ng misa at binasbasan ni Fr. Dom Resurrection, parish priest ng St. Mary of the Angels Parish ng nasabing bayan ang mga labi ng mga hindi pa nakikilalang mga NPA.

Sinabi ni PCAPT Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP Sta. Teresita na kailangan ng ilibing ang mga nasabing NPA dahil sa ilang araw na rin silang namatay at walang kumukuha sa kanilang mga bangkay.

Ayon sa kanya, bagamat sila ay mga NPA, marapat lamang na bigyan din sila ng magandang kabaong at maayos na libing.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Gabatin, maaari namang hukayin muli ang mga bangkay kung may kukuha na mga kaanak.

Matatandaan na nagsagawa ng airstrike ang Philippine Air Force bukod pa sa ground attack sa kuta ng mga NPA na ikinsawi ng mga nasabing miembro ng NPA na isang babae at apat na lalaki.