TUGUEGARAO CITY- Nakatakda nang ibaba mula sa kabundukan ng Brgy. Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan ang limang bangkay ng umano’y NPA na napatay sa engkwentro kahapon ng madaling araw.
Sinabi ni Major Jekyll Julian Dulawan ng 5th Infantry Division, Philippine Army na malayo kasi sa komunidad ang pinangyarihan ng sagupaan.
Ayon pa kay Dulawan, sa sandaling maibaba na ang mga nasabing bangkay ay susuriin kung sila ay napatay sa pakikipaglaban sa mga sundalo, sa airstrike ng Phlippine Airforce o sa mga landmines na itinanim mismo ng rebeldeng grupo at malaman na rin ang kanilang pagkakakilanlan.
Nakuha rin sa encounter site ang tatlong high powered firearms, limang anti-personnel mines at maraming iba pa.
Sinabi ni Dulawan na kasabay ng clearing operation sa lugar ay ang hot pursuit operation sa iba pang miembro ng NPA.
Una rito, nagsagawa ng operasyon ang 501st Infantry Brigade sa lugar matapos na makatanggap ng impormasyon na may hideouts doon ang NPA.
Dahil sa mga itinanim umano na anti-personnel landmines, humingi ng tulong ang tropa sa PAF para sa kanilang air assets na nagsagawa ng airstrike sa kuta umano ng NPA.
Tumagal ng dalawang oras ang engkwentro sa pagitan ng magkabilang panig.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Dulawan ang mga NPA na posibleng nasugatan na makipag-ugnayan lamang sa kanila o sa iba pang otoridad at handa silang tumulong sa kanilang pagpapagamot.