Ipinag-utos ni acting Philippine National Police chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang PNP
Internal Affairs Service na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa umano’y robbery o pagnanakaw ng limang pulis ng P14 million sa Pampanga.

Sinibak ng Police Regional Office Central Luzon (PRO 3) ang mga nasabing pulis nitong Martes, habang kasalukuyan ang kanilang imbestigasyon, matapos na isumbong sila ng Angeles City Police Station 2 sa mga awtoridad sa pamamagitan ng sulat na walang pirma.

Binigyang-diin ni Nartatez na ipinag-utos niya ang agad na imbestigasyon sanasabing usapin.

Sinabi niya na kung mapapatunayan na nagkasala ang mga nasabing pulis, tiniyak niya na lahat sila ay matatanggal sa serbisyo at didiretso sa kulungan.

Nangyari umano ang pagnanakaw noong November 25 sa bahay ng biktima sa Barangay Santa Cruz, Porac, Pampanga, kung saan ang biktima, ang kanyang pamilya at kanyang mga bisita ay pinilit na dinala sa banyo at kinuha ang kanilang cash.

-- ADVERTISEMENT --

Una rito, sinabi ni PRO 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr. na magsasampa sila ng criminal at administrative cases laban sa mga nasabing pulis.

Ang mga pulis nasangkot ay isang police major, isang police corporal at dalawang police staff sergeants na nakatalaga sa Angeles City Police Station 2, at isa pang police corporal na nakatalaga sa Zambales Provincial Police Office.