Nahirapan ang maraming commuter ngayon na makasakay matapos malimitahan at kumonti ang bumibiyaheng jeep ilang oras bago ang nakatakdang transport strike.

Sa ulat, maraming pasahero ang na-stranded sa iba’t ibang lugar ng Manila kabilang ang PHILCOA sa Quezon City, kung saan mahahabang pila at kakulangan ng masasakyan ang naranasan.

Ayon sa mga traffic enforcer, mas pinili ng ilang jeepney driver na hindi muna bumiyahe upang pumila sa pamamahagi ng cash assistance mula sa pamahalaan, dahilan upang lalo pang lumiit ang bilang ng mga sasakyan sa kalsada.

Dahil dito, napilitan ang mga commuter na maghintay nang matagal at makipagsiksikan sa mga natitirang jeep, na kadalasan ay puno na.

Maging ang ilang may pribadong sasakyan ay nag-commute na rin dahil sa mataas na presyo ng gasolina, na nagdagdag pa sa dami ng pasahero.

-- ADVERTISEMENT --

Humingi naman ng paumanhin ang Department of Transportation at nagpatupad ng libreng sakay sa ilang ruta upang makatulong sa mga apektadong commuter.

Ayon sa ahensya, lumala ang sitwasyon dahil nagsabay ang kakulangan ng jeep at ang pamamahagi ng cash aid sa Quezon Memorial Circle.

Para sa inaasahang transport strike, tiniyak ng pamahalaan na nakahanda ang mga libreng sakay at alternatibong ruta upang mabawasan ang epekto nito sa publiko.