TUGUEGARAO CITY-Kaagad inimplementa ang liquor ban sa buong probinsiya ng Cagayan matapos pirmahan ni Gobernor Manuel Mamba ang executive order, kahapon habang nasa enhanced community quarantine ang buong Luzon dahil sa covid-19.

Una rito, ayon kay Mamba, hiniling ng mga miembro ng PNP at mga Barangay captain ang nasabing executive order dahil sa mga namomonitor na nag-iinuman sa kanilang mga nasasakupang lugar kung saan nakakalimutan na ang social distancing.

Kaugnay nito, sinabi ni Mamba na kailangang makiisa ang taong bayan sa mga bawat hakbang na ipinatutupaad ng pamahalaan para masugpo ang virus.

Aniya, sa halip na ipambili ng alak ay ibili na lamang ito ng pagkain para sa kanilang pamilya dahil nahaharap sa krisis, hindi lamang ang Cagayan kundi ang buong mundo.

Sinabi ni Mamba na kalimutan na muna ang bisyo dahil mahaba-haba ang pagharap sa krisis na ito, sa halip ay palakasin ang immune system para makaiwas sa covid.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Mamba na kasalukuyan na nilang inaayos ang ibababang tulong sa mamamayan ng Cagayan lalo na ang mga labis na naaapektuhan ng Luzon quarantine.

Aniya, kanila nang ini- realign ang pondo sa no left behind noong 2019 na para sana sa infrastructure project kung saan ipapambili nalang ng pagkain at iba pang pangangailangan ng bawat residente.

Paliwanag ni Mamba, kanilang ibibigay ang relief goods sa mga mayor at si mayor na ang magbibigay sa kapitan para hindi na magulo ang distribution.