TUGUEGARAO CITY-Magpapatupad ng liquor ban kasabay ng pagsalubong ng bagong taon sa probinsya ng Cagayan.
Base sa pinirmahang Executive Order No. 32 ni Cagayan Governor Manuel Mamba magsisimula ang liquor ban ng hating gabi ng Disyembre 31,2020 hanggang 11:59 ng Enero 1, 2021.
Ayon kay Mamba, bawal ang pag-inom ng nakalalasing na inumin sa mga pampublikong lugar maging sa mga restaurant para makaiwas sa anumang aksidente.
Layon din nito na masunod ang mga minimum health standards at upang makontrol ang posibleng pagkalat ng COVID-19 virus sa lalawigan.
Kaugnay nito, dadalhin sa mga PNP-Stations ang sinumang mahuhuling lalabag sa nasabing EO at mamamalagi ng 24 na oras.
Sakabila nito, sinabi ni Mamba na hindi naman ipinagbabawal ang pag-inom ng nakalalasing na inumin sa loob ng mga tahanan.