Tuguegarao City- Nagbabala ang taggapan ng PNP Cagayan sa mga mahuhuling lalabag sa ipinatutupad na Liquor ban bunsod sa deklarasyon ng Public Health Emergency dahil sa banta ng COVID-19.
Ito ay alinsunod sa ipinalabas na Executive Order No. 13 ni Gov. Manuel Mamba na nagbabawal sa pagbenta at pagbili ng alak sa lalawigan ng Cagayan bunson ng pinaiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa luzon.
Sa panayam kay PCOL Ariel Quilang Provincial Director ng CPPO, tatlo na ang nahuli ng pulisya mula pa ng ipatupad ang liquor ban noong ika-26 ng Marso ngayong taon.
Ayon kay Quilang ay mahaharap sa kaukulang kaso ang sinumang hindi susunod sa naturang kautusan.
Paliwanag nito ay nais lamang nila na mapabuti ang bawat isa lalo na ngayong lumalaganap ang banta ng naturang sakit sa Cagayan.
Sa ngayon ay patuloy aniya ang mahigpit na pagpapatupad ng PNP ng curfew hours upang masigurong walang gumagala at maging ligtas ang publiko laban sa naturang sakit.
Nanawagan naman ito sa lahat na sundin ang mga ipinatutupad na batas at panatilihin ang kalinisan sa katawan upang makaiwas sa naturang sakit.