
Binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ni Norman Mangusin, isang vlogger na mas kilala sa pangalang Francis Leo Marcos, matapos na mabigo na dumalo sa mandatory hearing dahil sa maraming paglabag sa batas trapiko.
Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, dahil sa pagbawi sa lisensiya ni Mangusin, pinagbabawalan siyang magmaneho.
Ipinatawag ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO si Mangusin sa pagdinig matapos na mag-post siya sa social media ng video na nagpapakita na nagmamaneho ng Ford Expedition SUV na walang seatbelt, gumagamit ng mobile phone at nagmamaneho na may pekeng plaka.
Sinabi ni Lacanilao na binigyan ng LTO si Mangusin ng pagkakataon na magsumite ng pagpapaliwanag para sa mga paglabag, na kinabibilangan ng Failure to Attach Authorized Motor Vehicle License Plate, Mandatory Use of Seatbelt, Distracted Driving, Reckless Driving and Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Unang naglabas ang LTO ng show-cause order laban kay Mangusin at naglagay ng alarm sa kanyang SUV, at batay sa records, ang sasakyan ay hindi sumailalim sa roadworthiness inspection sa isang LTO Motor Vehicle Inspection Facility.
Kasunod ng video, nagpataw ang LTO ng 90-day preventive suspension sa lisensiya ni Mangusin.










