Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) sa loob ng 90 araw ang driver’s license ng isang motorcycle rider na nahuling may hawak na kutsilyo sa isang insidente ng road rage na naging viral sa social media.

Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, mariing kinokondena ng ahensya ang paggamit ng anumang uri ng patalim sa kalsada dahil ito ay malinaw na paglabag sa batas at naglalagay sa panganib sa buhay at kaligtasan ng publiko.

Bukod sa rider, kasama rin sa binigyan ng show-cause order ang may-ari ng motorsiklo.

Kapwa sila ipinatawag upang humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO sa Quezon City sa Enero 21, kung saan kinakailangan nilang magsumite ng kanilang beripikado o sinumpaang paliwanag kaugnay ng insidente.

Layunin nito na ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanilang lisensya sa pagmamaneho, dahil maaari silang ituring na Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, inilagay na rin ng LTO sa alarm status ang ginamit na motorsiklo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso.