Sisimulan nang ipatupad bukas (May 7) ng pamahalaang lungsod ng Tuguegarao ang implementasyon ng localized guidelines kaugnay sa pagsasailalim sa lungsod sa General Community Quarantine.
Itoy matapos aprubahan ngayong araw ng 8th City Council ang mga inilatag na panuntunan na dapat masunod sa GCQ bilang hakbang upang maprotektahan ang mga mamamayan laban sa banta ng Coronavirus disease (COVID-19).
Sa pulong balitaan sa City Hall, sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na sisimulan na rin bukas ang pamamahagi ng “COVID Shield Control Pass” (CSCP) sa mga frontliners, manggagawang pasok sa Sectors I, II, III, mga residente na maaaring lumabas, bisita at mga authorized person outside residence (APOR).
Bawat IDs ay may control number at may color coding scheme o magkakaiba ang kulay nito sa mga employees and employers, frontliners, vendors, religious officials, residente, bisita at trancient.
Ang Resident Control Pass na maaaring kunin sa Barangay control point ay maaaring magamit ng kahit sinong miyembro ng pamilya ngunit isa lamang ang papayagang lumabas para bumili ng pangunahing pangangailangan at limitado lamang ito sa tatlong oras.
Hindi naman papayagang lumabas ang 20 years old pababa at 60 years old pataas o senior citizen na non-workers.
Habang permanente ang Workers Control Pass na ibibigay sa mga may-ari ng negosyo o manggagawa na nagtatrabaho sa loob at labas ng lungsod, vendors, religious officials, at frontliners.
Ito ay kukunin ng mga may-ari ng negosyo sa City hall na siya namang magbibigay ng ID sa kanyang mga empleyado.
Pagmumultahin sa ilalim ng city ordinance ang sinumang mahuling walang ID kung kaya kailangan na palagi itong suot.
Wala namang ibibigay na Control Pass sa mga empleyadong papasok sa government offices ngunit kailangan lamang na naka-uniporme at nakasuot ito ng kanyang ID, maliban kung araw ng Sabado at Linggo.
Gayonman, kung kinakailangang lumabas sa Barangay ay maaari naman itong kumuha ng CSCP sa Barangay hall.
Ipapatupad naman ang curfew sa mga non-workers mula alas 10:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga.