Posibleng ipatupad na sa araw ng Miyerkules o Huwebes o sa oras na aprubahan ng konseho ng Tuguegarao City ang mga panuntunan na ipatutupad bilang pag-iingat at kontrol sa COVID-19.

Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, naisapinal na nila ang mga localized guidelines sa implementasyon ng General Community Quarantine.

Nanindigan si Soriano na mahalaga ang pagbibigay ng “Covid Shield Control Pass” upang makadaan sa checkpoint o makapasok ang mga indibidwal o manggagawang pasok sa Sectors I, II, III, mga bisita at mga authorized person outside residence (APOR).

Sa panukala ng alkalde, gagawing permanente ang mga IDs para sa mga vendors, frontliners, employees at religious officials tulad ng pastor, pari, bishop, ministry ng Iglesia Ni kristo at iba pa.

Habang ang IDs para sa mga residente, bisita at transient ay limitado lamang at ibabalik din makalipas ang tatlong oras upang may magamit ang iba pa.

-- ADVERTISEMENT --

Ito ay ibibigay sa bawat control point ng Barangay at sa tatlong entry at exit point ng lungsod sa Brgy Buntun, Carig at Namabbalan.

Ang mga IDs na ito ay regular na isasailalim sa disinfection habang regular namang papalitan ang strap nito na yari sa softic wire.

Paliwanag ng alkalde na kailangang malimitahan ang bilang ng mga residenteng lalabas sa kanilang bahay sa pamamagitan ng pagbibigay ng IDs dahil nariyan pa rin ang banta ng COVID-19 pandemic.

Muli rin niyang pinaalala sa publiko na sa ilalim ng GCQ ay nananatili pa rin ang kautusang manatili lamang sa bahay at otorisadong tao lamang ang lalabas upang bumili ng pangunahing pangangailangan.

Nariyan pa rin ang curfew, ang pagpapanatili sa social distancing, pagsusuot ng facemask at pagbabawal sa mass gathering.

Samantala, bagamat kasama sa binuksan ang public transportation, sinabi ni Soriano na tanging mga pampublikong sasakyan lamang na may special permit mula sa Land Transportation and Fran chising Regulatory Board (LTFRB) ang papayagang pumasada.

Ang naturang special permit ipapaskil sa wind shield ng sasakyan na magsisilbing pass nito upang makadaan sa checkpoint.

Kailangan namang siguruhin ng driver ng pampublikong sasakyan na tanging ang mga may travel pass lamang ang maisasakay na pupunta sa lungsod na siyang mabibigyan ng visitors o transient ID.

Nakatakda ring maglabas ng isang executive order ang alkalde para sa mag-asawang magka-angkas sa motorsiklo.

Sa kabilang dako, magiging mahigpit pa rin sa mga border ng lungsod at kailangan pa ring ipasailalim sa quarantine ang mga taong mula sa mga lugar na may kaso ng COVID-19.