Nasawi ang isang 81-taong-gulang na lola matapos matupok ng sunog ang kanyang bahay sa Barangay Afusing Daga, Alcala, Cagayan, kaninang madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Adelaida Batarina.

Ayon sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao kay SFO2 Paul Saquing mula sa Alcala Fire Station, mabilis na kumalat ang apoy sa bahay ni Lola Adelaida, na gawa sa magagaan na materyales.

Hindi agad naitawag ang insidente dahil wala umanong alam ang mga residente sa hotline number ng fire station.

Dahil dito, natagalan ang pagresponde ng mga awtoridad, ngunit nang may isang concerned citizen na tumawag, agad rumesponde ang mga bumbero.

-- ADVERTISEMENT --

Nang dumating sila sa lugar, naideklara nang “fire out” dahil naapula na ng mga kapitbahay ang apoy gamit ang bucket relay.

Ayon sa Alcala Fire Station, tinatayang aabot sa P10,000 ang halaga ng mga nasunog na materyales, at walang ibang bahay o establishment ang nadamay sa sunog.

Sa kasalukuyan, patuloy na iniimbestigahan ng Alcala Fire Station ang posibleng pinagmulan ng apoy upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente.