Patay ang isang 75-anyos na lola matapos hatawin ng kahoy at saka sinunog ng kapitbahay na suspek na dating drug surrenderee, matapos siyang pagbintangang mambabarang o mangkukulam sa bayan ng Kibawe, Bukidnon.

Sunog na ang katawan at wala nang buhay nang abutan ng mga rumespondeng pulis ang biktima, na hindi pinangalanan habang nadakip naman ang 37-anyos na suspek.

Ayon kay Major Jayvee Babaan, tagapagsalita ng Bukidnon Police Provincial Office, naganap ang krimen noong Hulyo 26, 2025.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na hinampas ng suspek ang biktima gamit ang tuyong tangkay ng niyog sa ulo, dahilan para mawalan ito ng malay.

Dito na sinamantala ng suspek ang pagkakataon at sinilaban ang biktima gamit ang mga tuyong dahon ng tangkay ng niyog.

-- ADVERTISEMENT --

Kusa namang sumuko sa pulisya ang suspek at inamin ang krimen at iginiit nitong kinukulam umano siya ng biktima.

Nabatid na dumaranas ng depresyon ang suspek matapos itong hiwalayan ng kanyang asawa.

Sinabi ng pulisya na may dating record ang suspek ng paggamit ng ilegal na droga, at ngayon ay nahaharap siya sa kasong pagpatay.