Na-ospital ang isang matandang babaeng Chinese matapos na lunukin ang walong buhay na mga palaka para maibsan daw ang pananakit ng kanyang likod dahil sa herniated spine disc.

Matapos na marining ng 80-anyos na si Zhang na nakakatulong para maibsan ang pananakit ng likod ang paglunok ng mga buhay na palaka, inutusan niya ang ilan niyang kamag-anak na manghuli ng katamtaman ang laki na mga palaka, subalit hindi niya sinabi kung ano gagawin niya sa mga ito.

Sa unang araw, nilunok ng lola ang limang buhay na palaka, at sa sumunod na araw ay tatlo.

Makalipas ang ilang oras, nakaramdam siya ng pananakit ng kanyang tiyan.

Subalit ininda niya ito hanggang sa hindi na makayanan ang sakit, kaya umamin siya sa kanyang pamilya na lumunok siya ng mga buhay na palaka.

-- ADVERTISEMENT --

Agad siyang dinala sa pagamutan.

Sa pagsusuri ng mga doktor, nakita na nagkaroon siya ng impeksyon sa kanyang bituka at pumasok na rin sa kanyang dugo ang bacteria mula sa mga palaka.

Matapos ang dalawang linggo sa ospital, gumaling ang lola at nakauwi na rin sa kanyang bahay.