Kulong ang isang lolo matapos mahulihan ng ibat ibang uri ng iligal na armas sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Nakilala ang suspek na isang 76-anyos na biyudo, isang gun repair at residente sa bayan ng Dupax Del Norte.
Ayon kay PMAJ Novalin Agasid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, isinilbi ng 2nd Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company ang search warrant matapos makumpirma na bukod sa wala itong permit sa pagkukumpuni ng baril ay namonitor rin siyang nagbebenta ng mga iligal o walang lisensyang baril.
Kabilang sa mga nakumpiska sa pagiingat ng suspek ang 14 na piraso ng caliber 38 revolver, 8 piraso ng caliber 32 revolver, isang caliber 22 Rifle, 3 barrel shotgun, isang barrel ng caliber 5.56 at isang barely ng caliber 30, 4 na piraso ng M14 Magazine, at 9 na piraso ng bolt assembly.
Maliban dito, nasamsam rin ang karagdagang 7 piraso ng rifle scope, 20 piraso ng caliber 7.62 o M14 ammos, 51 piraso ng caliber 22 magnum ammos, 161 na piraso ng caliber 22 ammos, 4 na caliber 32 long ammos, 4 na piraso ng caliber 38 ammos, at 1 piraso ng caliber 7. 62 garand ammos.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” ang isinampa laban sa suspek.
Kasabay ng naturang operasyon ay muling pinaalalahan ang publiko kontra loose firearms lalo at nalalapit na ang halalan.