Nahuli na ng pinagsanib na pwersa ng mga otoridad ang isang lolo sa Ifugao na siyam na taong nagtago sa batas matapos ang panghahalay sa isang menor-de-edad na alaga ng kanyang kaibigan sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Kinilala ang akusado na si Rudy Alano, 64-anyos at itinuturing na No. 1 most wanted sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Executive Master Sergeant Dennis Estrada, imbestigador ng Diadi Police Station na naaresto sa Lagawe, Ifugao kung saan nagtatrabaho bilang “laborer” ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong 2013 kasunod ng kasong rape in relation to 7610 sa isang 3-anyos na bata noong 2012.

Ayon kay Estrada, aminado naman ang akusado sa ginawang panggagahasa subalit nagawa umano niya ito dahil sa kalasingan.

Una rito, nakipag-inuman ang akusado sa kanyang kaibigan na nagbabantay sa bata, subalit nang itoy malasing ay pinagsamantalahan na niya ito.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nakatakda namang ilipat sa Solano Provincial Jail ang akusado.