TUGUEGARAO CITY- Walang nakikitang foul play ang PNP sa pagpapakamatay ng isang lolo sa Brngy.Calaoagan Dackel, Gattaran, Cagayan.
Gayonman, sinabi ni PMaj. Norly Gamal ng PNP Gattaran na isasailalim pa rin sa post mortem examination ang bangkay ni Leonilo Collera, 64 upang malaman ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sinabi ni Gamal na sa kanilang imbestigasyon, nakita umano ng kanilang kapitbahay ang lolo noong hapon ng September 5 malapit sa kanilang babuyan.
Subalit, hindi umano niya ito pinansin dahil ang akala niya ay nakatayo lang ito.
Sinabi niya na walang pumansin o lumapit umano sa lolo hanggang sa magpalipas ng gabi sa kanyang kinaroroonan.
Kinaumagahan na umano ng September 6 nang makita ng anak ng lolo na siya ay nakabitin gamit ang lubid at wala nang buhay.
Idinagdag pa ni Gamal na nalaman nila sa pamilya ng lolo na nagtangka na rin umano itong magpakamatay gamit ang airgun na itinutok niya sa kanyang bunganga.
Subalit napigilan ang kanyang unang pagtatangka matapos umano siyang mapakiusapan.