Patay ang isang lolo na naka-bisikleta matapos na mabangga ng isang van sa Barangay Mungo, Tuao, Cagayan kaninang umaga.
Ayon kay Chito Baligod, pinuno ng Task Force Lingkod Bayan (TFLB) at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Tuao, agad silang rumesponde sa lugar nang ipaalam sa kanila ang insidente.
Sa kanilang imbestigasyon, habang papalabas ng national highway ang biktima na 62-anyos sakay ng kanyang bisikleta ay biglang sumulpot umano ang van at sinalpok ang lolo.
Sa lakas ng impak ay tumilapon ang lolo at nagtamo ng sugat sa katawan at una aniya nitong ininda ang sakit ng kanyang dibdib kaya mabilis isinigod sa ospital nguni’t hindi na umabot ng buhay.
Sinabi ni Baligod, matapos ang insidente ay mabilis namang tumakas ang suspek at iniwan ang biktima.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya sa nasabing insidente, kung saan ay sinisiyasat na ang kuha ng mga CCTV sa lugar upang matukoy ang kaukulang detalye ng nakabanggang sasakyan at malaman ang pagkakakilanlan ng driver nito.