TUGUEGARAO CITY- Naniniwala ang PNP na ang may-ari mismo ng bahay ang sumunog sa kanyang bahay na dahilan din ng kanyang pagkamatay sa Santa Ana, Cagayan.
Sinabi ni PMSgt. Anthony Viloria ng PNP Santa Ana, Cagayan na bago ang insidente ay lasing umano si Rufino Baloloy, 67 ng Brngy. Rapuli at ilang ulit na sinabing susunugin niya ang kanilang bahay.
Nagising ang kanyang tatlong apo dahil sa sunog at agad na nakalabas subalit naiwan ang lolo na natusta ang katawan at halos hindi na makilala.
Ayon kay Viloria, sa kanilang pagtatanong sa pamilya ng biktima, sinunog na rin umano noon ng lolo ang kanilang kusina subalit ito ay agad na naapula.
Nabatid na nakitulog ang asawa ng lolo sa isa niyang anak habang ang ama naman ng kanyang mga apo ay namatay na kaya nakikitira sila sa kanilang lolo.