Patay ang isang lolo matapos pagsasaksakin ng kanyang kainuman dahil sa kalasingan sa bayan ng Solana, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Vicente Batang, 61 anyos, balo habang ang suspek naman ay si Arison Delos Santos at sila ay kapwa residente sa Brgy. Andarayan South, Solana.

Ayon kay PCPL Ian Jay Baggayan, imbestigador ng PNP Solana, unang nakatanggap ng impormasyon ang pulisya sa punong barangay ng Andarayan South kaugnay sa umanoy natagpuang bangkay sa gilid ng kalsada sa kanilang lugar.

Agad namang rumesponde ang pulisya at batay sa kanilang imbestigasyon ay lumalabas na magkasama ang suspek at ang biktima sa bahay ng kanilang kaibigan nang sila ay mag-inuman.

Sinabi ni Baggayan na batay sa salaysay ng mga kasamahan nila ay walang naganap na pagtatalo nang sila ay kasalukuyang nag-iinuman at sa katunayan umano ay magkasama pa ang dalawa ng sila ay umuwi sa kani-kanilang tahanan.

-- ADVERTISEMENT --

Saad ng imbestigador, nagsimula lamang aniya ang hindi pagkakaunawaan ng dalawa habang sila ay nasa daan sa hindi na mabatid na dahilan at maaaring dahil na rin sa kalasingan kaya nagkapikunan na nagresulta upang bunutin ng suspek ang matulis na itak na dala-dala nito na ginamit na ipinangsaksak sa biktima.

Lumabas din sa pagsisiyasat ng pulisya na nagtamo ng limang saksak sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay habang narecover naman sa lugar ang patalim na ginamit ng suspek sa krimen.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kaukulang kaso.