
Nasawi ang isang 66-anyos na lalaki matapos tamaan ng ligaw na bala habang nakaupo sa labas ng kanyang bahay noong bisperas ng Pasko sa Pampanga.
Batay sa imbestigasyon ng Pampanga Police, inakala pa umano ng biktima na may bumato lamang sa kanya matapos siyang tamaan sa dibdib.
Makalipas ang ilang sandali, napansin ang pagdurugo sa kanyang dibdib at isinugod siya sa ospital, ngunit idineklara ring patay matapos umabot ang bala sa kanyang puso.
Sinabi ni Police Colonel Eugene Marcelo, director ng Pampanga Police, na walang nakitang gunpowder residue sa biktima.
Ang narekober na bala ay kahalintulad umano ng ginagamit sa panghunting ng ibon, kaya’t pinaniniwalaang air gun ang ginamit.
Mayroon nang tinukoy na person of interest ang pulisya at iniimbestigahan kung nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ang suspek nang mangyari ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon at inihahanda na ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.










