Nasawi ang isang senior citizen matapos mabangga ng isang motorsiklo ang kanyang sinakyang motorsiklo sa Delos Santos Street, Ballesteros, Cagayan dakong 9:31 ng gabi, habang siya ay pauwi galing sa isang lamay.

Ayon kay Police Chief Master Sergeant Arlin Reynon, senior investigator ng Ballesteros Police Station, binabagtas ng biktima ang kalsada nang bigla siyang salpukin ng isang paparating na single motor mula sa direksyon ng Centro Ballesteros.

Batay sa ulat ng mga saksi, mabilis ang takbo ng motorsiklo at bigla itong lumipat sa kabilang linya, kung saan nasalubong at nabangga ang biktima.

Agad rumesponde ang mga awtoridad at nadatnan ang biktima na nakadapa sa kalsada, duguan ang mukha, at may suot lamang na half-faced helmet.

Agad siyang isinugod sa ospital ngunit idineklara siyang dead on arrival.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa mga doktor, ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay malubhang pinsala sa noo, kung saan ito ay nabiyak dulot ng matinding impact.

Samantala, ang lulan ng motorsiklo na bumangga sa biktima ay dalawang kabataang estudyante, kung saan 16 anyos ang driver.

Ayon sa pulisya, hindi pa tiyak kung ang mga ito ay nasa impluwensiya ng alak.

Ang driver ng motorsiklo ay dinala sa Ballesteros District Hospital matapos magsuka ng dugo, at kalaunan ay inilipat sa Cagayan Valley Medical Center para sa karagdagang gamutan.

Samantala, ang angkas nito ay nagtamo lamang ng gasgas sa katawan.