Pormal nang sinampahan ng kasong homicide ang suspek sa pananaksak at pagpatay sa kanyang kapitbahay na dati niyang nakaalitan dahil lamang sa alegasyon ng pagnanakaw sa bayan ng Lal-lo.

Agad na nasawi dahil sa tinamong saksak sa kanyang tagiliran ang biktimang si Wilson Luis, 60-anyos habang boluntaryo namang sumuko ang suspek na kinilalang si Edgar Odrillo, 48-anyos, kapwa magsasaka at residente ng Brgy Catugan.

Ayon kay PMSg Ruben Bayani, imbestigador ng PNP-Lallo, laging nagbabangayan ang dalawa dahil pinagbibintangan ng lolo ang suspek na siya ang nasa likod ng pagnanakaw ng kanyang mga alagang hayop at iba pa.

Gabi nitong unang araw ng Agosto nang sumugod ang lolo sa bahay ni Edgar na may dalang patalim at muling nagkasagutan at naghamunan.

Kasunod nito ay ang pananaksak ni Edgar ng isang beses sa biktima gamit ang kitchen knife.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Bayani na hindi na rin nakikiaalam ang kapitbahay ng dalawa dahil sanay na rin umano ang mga ito na laging nagbabangayan.