Agad na nahuli ng mga pulis ang isang lalaki na nanaga-patay sa kanyang biyenan sa bayan ng Buguey, Cagayan noong pasado 12 p.m.

Ayon kay PMAJ Marlou del Castillo, hepe ng Buguey Police Office, agad rumesponde ang mga pulis nang itawag sa kanila ng isang residente ang pananaga sa isang 77 anyos sa Barangay Mala Weste.

Sinabi ni Castillo, nadatnan ng mga pulis na nakahandusay, duguan at wala nang buhay ang lolo, at tumakas ang suspek.

Nagtamo ng maraming taga sa kanyang katawan at ulo ang lolo na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis, kung saan nadatnan ang suspek sa kaniyang bahay sa ibang barangay na duguan dahil sa tinamong sugat sa kamay.

-- ADVERTISEMENT --

Nakuha din ng mga pulis ang itak na ginamit ng suspek sa pananaga.

Sinabi ni Castillo na ang suspek ay dating miyembro ng Philippine Army na nag-AWOL at may nakabinbin na warrant of arrest na mula pa sa Davao Del Norte sa kasong panghahalay.

Ayon kay Castillo, sa inisyal na imbestigasyonat ayon sa mga saksi, pumunta ang suspek na galit na galit sa bahay ng kanyang biyenan at nagkaroon sila ng pagtatalo tungkol sa ipinapadalang pera ng asawa ng suspek na nasa abroad.

Sinabi ni Castillo na inihain na ang kasong murder laban sa suspek.