Hiniling na ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa Department of Justice (DOJ) na maglabas ng lookout bulletin order (LBO) laban sa pitong opisyal ng Office of the Vice President (OVP) kaugnay ng imbestigasyon sa diumano’y iregularidad sa paggamit ng confidential funds noong 2022 at 2023.

Ginawa ng chairman ng komite na si Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang mungkahi kasunod ng ­inilabas na subpoena upang humarap ang mga opisyal ni VP Sara na magbigay ng testimonya matapos na hindi sumipot sa mga naunang pagdinig.

Kabilang sa mga ­opisyal sina OVP Chief of Staff Zuleika Lopez; Assistant Chief of Staff at Chair ng Bids and Awards Committee na si Lemuel Ortonio; Direktor ng Administrative at Financial Services na si Rosalynne Sanchez; Special Disbursing Officer (SDO) na si Gina Acosta; at Chief Accountant na si Juleita Villadelrey.

Ipinatatawag din ng komite sina dating DepEd assistant secretary Sunshine Charry Fajarda at SDO Edward Fajarda, na ayon sa mga ulat ay nasa tanggapan na rin ng OVP.

Sa kanyang pinakahu­ling liham kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, binanggit ni Chua na nakatanggap ang kanyang komite ng impormasyon na ang mga nabanggit na indibidwal ay posibleng lumabas ng bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Iniimbestigahan ng komite ang kuwestyunable umanong paggamit ng confidential funds ng OVP at DepEd noong 2022 at 2023.