TUGUEGARAO CITY – Mas kaunti na ang bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 sa Cagayan Valley Medical Center sa nakalipas na tatlong buwan kasabay ng patuloy na pagbaba ng bilang ng mga nahahawahan ng sakit.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni CVMC chief Dr. Glenn Matthew Baggao na sa kasalukuyan ay nasa 83 na lamang ang bilang ng COVID-19 patients, mababa sa noo’y all-time high na mahigit 300 pasyente nitong Agosto.

Pinakamarami pa rin sa mga pasyente ay sa lalawigan ng Cagayan kung saan 17 covid patients ay mula sa Tuguegarao City habang single digit na lamang ang naitala sa ilang bayan sa rehiyon dos.

Labing-walong CVMC staff na lamang mula sa dating mahigit 100 naman ang patuloy na nagpapagaling sa naturang pagamutan.

Dahil sa patuloy na pagbaba ng hospital admission ng COVID patients ay nagbawas na rin ang pagamutan ng hospital beds sa 150 mula sa dating 250 habang isang hotel na lamang ang ginagamit para sa step down facility.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunpaman, mas marami ngayon ang non-COVID patients sa ospital ayon kay Baggao.

Samantala, ipagpapatuloy ng CVMC ngayong araw ng Lunes ang vaccination roll-out para sa mga kabataang edad 12 hanggang 17 kung saan mahigit 600 na ang nababakunahan gamit ang pfizer vaccine.