Makulimlim at may mga pag-ulan pa rin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas dahil sa amihan at shear line, samantalang ang trough ng LPA malapit sa Borneo ang nagpapaulan sa kanlurang bahagi ng Mindanao.

Ang sentro ng binabantayang LPA na dating bagyong QUERUBIN ay huling namataan ng PAGASA sa layong 1,575 kilometro sa kanluran ng Western Mindanao o malapit sa Borneo.

Hindi naman inaalis ang posibilidad na maging ganap itong bagyo at kumilos muli pabalik ng Palawan sa mga susunod na araw.

Ang trough o extenstion ng mga kaulapan nito ay magdudulot pa rin ng halos maulap hanggang sa makulimlim rin ang papawirin na may mahihina hanggang sa minsang malalakas na pag-ulan sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.

Ang nalalabing bahagi ng Mindanao ay makakaasa na ng mas maayos na panahon at tiyansa na lamang ng mga saglit na pag-ulan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang shearline o pagsasalubong ng malamig na hanging amihan at easterlies mula sa Pasipiko ay patuloy na nakakaapekto sa Southern Luzon at Visayas.

Inaasahang magtutuluy-tuloy pa ang epekto nito hanggang sa susunod na linggo.

Makulimlim ang papawirin na may mga mahihina hanggang sa malalakas na pag-ulan sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, at Dinagat Islands. Posibleng maapektuhan rin ang mga karatig na lugar.

Ang malamig na amihan ay lumakas pa at nakakaapekto na sa halos buong Luzon.

Makulimlim ang papawirin na may mga mahihinang pag-ulan at pagbugso ng hangin sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Nueva Ecija, at Bulacan.

Halos maulap hanggang sa makulimlim ang papawirin at may paminsan-minsang mahihinang ulan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.

𝗪𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗸𝗶𝗸𝗶𝘁𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗶𝗯𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗯𝗮𝗴𝘆𝗼 na posibleng direktang makaapekto sa bansa hanggang sa weekend.