Kinumpirma ng weather state bureau nitong Huwebes ng hapon na ang Low Pressure Area (LPA) na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay isa nang ganap na tropical depression.

Ayon sa ulat, huling namataan ang bagong bagyo sa layong 2,730 kilometro silangan ng Hilagang Luzon, at kumikilos pa-hilaga sa bilis na 10 kilometro kada oras.

May taglay itong lakas ng hangin na umaabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna, at pagbugso na hanggang 55 kilometro kada oras.

Bagaman malayo pa ito sa kalupaan ng Pilipinas, patuloy ang pagtutok ng mga awtoridad sa galaw at posibleng direksyong tatahakin nito.

Samantala, ang LPA na kasalukuyang nasa loob ng PAR at nakikita malapit sa baybaying-dagat ng San Fernando City, La Union ay may katamtamang tsansa na maging isang tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.

-- ADVERTISEMENT --

Kasalukuyang pinapalala rin ng Southwest Monsoon o Habagat ang epekto ng lagay ng panahon sa bansa.

Dahil sa mga sistemang ito ng panahon, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang malaking bahagi ng Luzon tulad ng Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Occidental at Oriental Mindoro, Marinduque, at Romblon.

Ang Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Palawan, Albay, Sorsogon, Masbate, at Davao Oriental naman ay maaapektuhan ng Habagat, na magdadala rin ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

Samantala, magiging bahagyang maulap hanggang maulap ang kalangitan sa natitirang bahagi ng bansa na may posibilidad ng mga panandaliang buhos ng ulan dulot ng mga localized thunderstorms.

Inabisuhan ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga susunod na abiso hinggil sa mga binabantayang sama ng panahon.