Nagbabala ang weather bureau na ang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay may “mataas na posibilidad” na maging isang tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.
Sa inilabas na 4:00 a.m. weather bulletin ngayong Biyernes, sinabi ng ahensiya na ang LPA ay namataan 150 kilometro sa silangan ng Baler, Aurora.
Dahil sa kalapitan nito sa kalupaan, agad na maaaring magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Gitna at Hilagang Luzon sakaling tuluyang lumakas ang sama ng panahon.
Asahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Laguna, Quezon, Rizal, Camarines Norte, at Camarines Sur dahil sa epekto ng LPA.
Samantala, ang nalalabing bahagi ng Luzon, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, Lanao del Norte, at Misamis Occidental ay makararanas din ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan dala ng Habagat o Southwest Monsoon.
Ang iba pang bahagi ng Visayas at Mindanao ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan o pagkulog-pagkidlat.