
Sasalubungin ng taas-presyo sa liquefied petroleum gas (LPG) ang mga mamimili sa unang araw ng 2026, ayon sa abiso ng mga kumpanya ng langis.
Inanunsyo ng Petron Corporation na magpapatupad ito ng P2.18 na dagdag-presyo kada kilo ng LPG, na magiging epektibo dakong 12:01 ng hatinggabi ng Enero 1, 2026.
Dahil dito, tataas ng humigit-kumulang P23.98 ang presyo ng karaniwang 11-kilogram na tangke ng LPG.
Ayon sa Petron, ang naturang pagtaas ng presyo ay bunsod ng pagbabago sa international contract price ng LPG para sa buwan ng Enero.
Kasunod nito, inanunsyo rin ng Solane na magtataas din ito ng presyo ng LPG ng P2.18 kada kilo, na ipatutupad naman simula alas-6 ng umaga ng Enero 1, 2026.
Batay sa datos ng Department of Energy (DOE), kasalukuyang naglalaro sa pagitan ng P803.04 hanggang P1,102.00 ang presyo ng isang 11-kilogram na LPG tank, depende sa brand at lokasyon.
Dahil sa paparating na taas-presyo, pinapayuhan ang mga konsyumer na maghanda at maging maingat sa paggamit ng LPG, lalo na ngayong simula ng bagong taon.










