Pinaplantsa na ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang polisiya upang higpitan ang franchise renewal ng mga lumang public utility vehicle (PUV) sa buong bansa.

Sinabi ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II na layunin nilang pagbutihin pa ang public transport system sa bansa para gawing ligtas at komportable ang pagbiyahe ng mga tao.

Sa pagsusulong ng mga reporma sa public transport, ibinahagi ni Mendoza ang mga personal niyang karanasan nang sumakay sa mga pampasaherong bus at jeepney.

Inihalimbawa niya ang nasakyang jeepney sa Visayas region na may malaking butas umano sa gitna samantalang may mga jeepney naman sa Metro Manila na kung hindi sira-sira ay madumi naman ang mga upuan.

Pinuna rin niya ang ilang jeepney driver na sando, salawal at tsinelas lang aniya ang suot habang nagmamaneho ng pampasaherong sasakyan.

-- ADVERTISEMENT --

Giit ni Mendoza na hindi dapat ganito ang public transport sa bansa at dapat nirerespeto ng mga PUV ang kanilang mga pasahero.

Pag-uusapan aniya ng Board at mga opisyal ng LTFRB ang pinaplantsa nilang polisiya laban sa mga lumang PUV bago ilabas ang isang malinaw na alituntunin hinggil dito.