Nanindigan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi na papalawigin pa ang provisional authority to operate ng unconsolidated jeepneys.
Una na kasing ipinanukala ito ng isang mambabatas noong Mayo sa pag-asang mas makita at maunawaan ang mga benepisyo ng consolidation na kailangan sa ilalim ng public transport modernization program.
Inisyal na ding sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz na pag-aaralan ng kaniyang ahensiya ang naturang panukala.
Subalit matapos ang pagpupulong kasama ang mga opisyal ng Department of Transportation nitong Lunes, sinabi ni Guadiz na hindi na mapag-aaralan sa ngayon ang panukala dahil nais na ng Marcos administration na ituloy ang modernization program.