
Inatasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pangrehiyong director nito sa Lambak Cagayan na pabilisin ang pagbabayad ng insurance sa lahat ng biktima ng banggaan ng isang trak at pampasaherong jeepney, kaninang umaga sa Luna, Isabela
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang tulong sa mga biktima ng aksidente sa kalsada.
Nabatid na tatlong katao ang unang naiulat na nasawi dahil sa tindi ng banggaan.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza II, dapat maibigay ang lahat ng posibleng tulong sa mga pamilya ng mga nasawi, kabilang ang agarang pagproseso ng insurance claims.
Inihayag pa niya na dapat na maipagkaloob ang parehong tulong sa mga nasugatan.
Nagpaabot din ang opisyal ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktimang nasawi sa malagim na insidente kasabay ng pagtiyak ng LTFRB na mapabilis ang karapatan ng mga biktima sa insurance payment.
Kaugnay nito, inihayag ni Dir. Richard Dayag ng LTFRB Region 2 na agad niyang pinaimbestigahan matapos niyang malaman ang naturang trahediya.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang aksidente sa isang pambansang lansangan nitong Miyerkules ng umaga.
Nawalan umano ng kontrol ang driver ng dump truck dahil sa bilis at madulas na kalsada, dahilan upang bumangga ito sa pampasaherong jeepney na nasa kasalungat na direksyon.
Dahil sa lakas ng impact, tumaob ang jeepney, tumilapon ang ilang pasahero, at natanggal ang bubong ng sasakyan.
Inihayag ni Dayag na nakikipag-ugnayan na sila sa transport cooperative na nagmamay-ari at nagpapatakbo ng jeepney, gayundin sa Passenger Accident Management & Insurance Agency, Inc. (PAMI), upang pabilisin ang pagproseso ng insurance payments bilang pagsunod sa utos ng chairperson ng LTFRB Chairperson.
Nag-isyu na rin umano ang LTFRB ng show cause order laban sa operator ng pampasaherong jeepney upang siyasatin ang roadworthiness ng sasakyan bilang bahagi ng protocol at patuloy na imbestigasyon.










