TUGUEGARAO CITY-Sinimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 02 ang pamamahagi ng special permit para sa mga Public Utility Vehicles (PUVs) na mamamasada sa ilalim ng General Community Quarantine.
Ayon kay Regional Director Edward Cabase ng LTFRB-Region 02, mula Mayo 1, 2020 hanggang sa kasalukuyan mahigit 60 drivers na ang kanilang nabigyan ng special permit mula sa Cagayan, Isabela at Nueva vizcaya.
Ngunit, hindi lahat ng mga nabigyan ay balik-pasada na dahil ang ilan ay kailangan pang dumaan sa orientation para hindi malabag ang mga protocols ng iba’t-ibang lugar kontra covid-19.
Dagdag pa ni Cabase na mula sa 30 percent na bilang ng pasahero na dapat lamang isakay ay itinaas na sa 50 percent pero hindi ibig sabihin na nanghihikayat sila ng mga residente na lumabas.
Ipinaalala naman ni Cabase sa mga frontliners na nagbabantay sa mga checkpoint area na hindi ipinapahintulutang bumiyahe ang mga PUV na ang ipinapakita ay ang kanilang application form, kailangan ay may special permit.
Samantala, kasalukuyan na ang ginagawang crossmathing ng DSWD sa mga ipinasang pangalan ng mga PUV driver na maaring kwalipikado na maging benipisaryo ng Social Amelioration Program (SAP).