Simula Nobyembre 1, 2025, ipatutupad na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagbabawal sa paggamit ng mga temporary at improvised license plates sa lahat ng uri ng sasakyan at motorsiklo.

Layunin umano ng hakbang na ito na tiyakin ang tamang pagkakakilanlan ng mga sasakyan sa kalsada at maiwasan ang mga ilegal na gawain na may kaugnayan sa hindi rehistradong plaka.

Ayon kay LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II, wala nang dahilan para gumamit ng pansamantalang plaka dahil naresolba na ang backlog sa paggawa ng mga official license plates.

Aniya, ang sinumang mahuhuling gumagamit pa rin ng ganitong plaka ay papatawan ng P5,000 multa alinsunod sa Joint Administrative Order 2014-001, at kumpiskado rin ang plaka.

Hindi rin tatanggapin sa rehistro ang mga sasakyang may improvised plate.

-- ADVERTISEMENT --

Pinaalalahanan ni Mendoza ang mga may-ari ng sasakyan na kunin na ang kanilang plaka ngayong Oktubre upang makaiwas sa abala.

Papayagan lamang ang improvised plate kung ito ay may written authorization mula sa LTO at dapat nakalagay ang official plate number ng sasakyan kasama ang label na “Improvised Plate.”

Dagdag pa ng LTO, ito ay bahagi ng malawakang hakbang ng ahensya upang tiyaking sabay na maibibigay ang OR/CR at plaka sa bawat bagong biling sasakyan.