Isusulong na rin dito sa Lambak Cagayan ang Land Transportation Office-Local Government Unit InterConnectivity.

Ipinaliwanag ni Atty. Noreen Bernadette San Luis-Lutey, chairperson ng LTO-LGU Interconnectivity program na sa pamamagitan ng information technology ay otomatiko na makikita sa data base ng LTO ang mga naitatalang traffic violations ng mga motorista na nahuhuli sa mga LGUs.

Ayon sa kanya sa paraang ito ay agad din na makakapagpataw ng karampatang demerit points ang LTO sa mga lumalabag sa batas trapiko.

Sinabi niya na magkakaroon ng memorandum of agreement at data sharing agreement sa pagitan ng LTO at mga LGUs upang maisakatuparan ang nasabing inisyatiba.

Idinagdag pa niya na ang isa pa sa layunin nito ay matiyak na ligtas sa pagmamaneho ang mga drivers na nabigyan ng 10 years na validity ng kanilang driver’s license.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Lutey na ang mga may hawak ng 10 years na validity ng kanilang driver’s license na hindi dapat lalampas sa 40 ang kanilang traffic violation dahil mare-revoke ang kanilang lisensiya habang kung nagkaroon na ng 10 na paglabag ay kailangan na sumailalim ang driver sa orientation program.

Iginiit ni Lutey na kailangan na matiyak ang disiplina ng mga drivers upang maiwasan ang mga aksidente sa mga lansangan na isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay.

Isinagawa ang LTO-LGU Interconnectivity briefing dito sa lungsod ng Tuguegarao na dinaluhan ng ilang LGUs tulad ng Tuguegarao, Aparri, Cagayan, Diffun, Quirino, Santiago City at Cauayan City sa Isabela.