
Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng isang memorandum na nagbibigay ng libreng medical at courier service fees sa pagrerenew ng driver’s license ng mga OFW.
Ang benepisyong ito ay para sa mga OFW na lumalahok sa mga caravan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW) na isinasagawa sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon kay LTO Chief Asec. Markus Lacanilao, layunin ng programa na pasimplehin ang proseso ng pagrerenew ng lisensya at mabawasan ang gastusin ng mga OFW na malayo sa kanilang pamilya at sa Pilipinas.
Sa ilalim ng programa, hindi na kailangang umuwi ng bansa ang mga OFW upang mag-renew ng kanilang driver’s license.
Ang mga LTO team ay direktang nagbibigay ng serbisyo sa ibang bansa sa pakikipag-ugnayan sa OWWA at DMW.
Bukod sa libreng medical examination, saklaw din ng programa ang libreng courier service para sa pagpapadala ng naprosesong driver’s license mula sa Pilipinas patungo sa piling tanggapan ng OWWA, DMW, at mga Embahada ng Pilipinas sa ibang bansa, kung saan ito maaaring personal na kunin ng mga OFW.
Noon, umaabot hanggang ₱6,000 ang gastos sa medical at courier fees.
Sa bagong programang ito ng LTO, tuluyan nang inalis ang naturang mga bayarin.
Ang hakbang na ito ay patunay ng patuloy na malasakit ng pamahalaan sa mga OFW na malaking ambag sa ekonomiya ng bansa at sa layuning gawing mas maginhawa ang kanilang buhay sa ibang bansa.









