Suportado ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 ang isinusulong na panukalang-batas na Anti-Road Rage Act na magpaparusa sa mga insidente ng road rage o marahas na away-trapiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Administrative Officer Manny Baricaua ng LTO-RO2 na bagamat may mga parusa sa ilalim ng revised penal code, subalit mas mainam aniya ang pagkakaroon ng special laws tulad ng isinusulong na batas upang masugpo ang pagiging mapangahas at agresibo ng mga motorista sa gitgitan sa kalsada.

Sinabi ni Baricaua na nauuwi sa krimen ang mga gitgitan sa lansangan tulad na lamang ng pamamaril ng negosyanteng si Rolito Go na ikinasawi ng isang estudyante noong 1991.

Aniya, kawalan ito ng pagkontrol ng galit sa kalsada, stress, kawalan ng kaalaman at pagbibigayan sa paggamit ng lansangan.

Gayunman, binigyang diin ni Baricaua na marami nang naipanukalang batas hinggil sa road rage kung kaya umaasa ito na sanay bigyang pansin ito ng Kongreso.

-- ADVERTISEMENT --

Paalala ni Baricaua sa mga motorista na magbaon ng maraming pasensiya kapag nagmamaneho at sumunod sa batas trapiko.

Tinig ni Administrative Officer Manny Baricaua ng LTO-RO2