Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang driver ng sports car matapos itong makuhanan sa viral na video na gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho sa isang highway.
Kinilala ang driver na si Josh Mojica, isang sikat na content creator at business owner dahil sa kanyang kangkong chips.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, suspendido ang lisensya ni Mojica sa loob ng 90 araw habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ang nasabing sports car, isang Porsche, ay inilagay din sa “alarm status.”
Dagdag pa ni Mendoza, lumalabas na gumagawa ng social media content ang driver ng sports car nang kuhanan ng video.
Tinukoy niya ito bilang isang malinaw na paglabag sa mga patakaran sa kaligtasan sa kalsada.
Giit ni Mendoza, anuman ang klase ng sasakyan na minamaneho ay dapat matuto pa ring sumunod sa mga batas trapiko.
Kung ang driver ay isang content creator, may pananagutan siya na maging magandang halimbawa sa kanyang mga tagasubaybay.
Sa panig naman ng LTO-Intelligence and Investigation Division, sinabi ni Chief Renante Melitante na tatlong paglabag ang kinakaharap ng driver: reckless driving, paglabag sa Anti-Distracted Driving Act (Sec. 4 ng R.A. No. 10913), at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle (Sec. 27 (a) ng R.A. No. 4136).
Maaaring humantong sa revocation o tuluyang pagbawi ng lisensya ang ikatlong paglabag.
Naglabas din ng show cause order ang LTO para sa rehistradong may-ari ng sports car.
Kapwa pinasisipot ang driver at ang registered owner sa LTO Central Office upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa administratibong usapin.