Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang mga lisensya sa pagmamaneho ng ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot sa kontrobersya sa flood control project sa Bulacan.
Kabilang sa sinuspinde ay sina dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, Assistant District Engineer Brice Hernandez, at tatlong iba pa na sina Jaypee Mendoza, Edrick San Diego, at Arjay Domasig. Kilala ang grupo bilang “BGC Boys” o Bulacan Group of Contractors sa ilang casino circles.
Ayon sa LTO, ang suspensyon ay bunsod ng umano’y paggamit ng pekeng impormasyon at pekeng lisensya sa aplikasyon ng driver’s license, bagay na labag sa RA 10930 at Section 31 ng RA 4136.
Lumabas sa isang pagdinig sa Senado na ginamit ni Alcantara ang alias na “Joseph Castro Villegas” at isang pekeng ID upang makapasok sa casino. Kumpirmado ng LTO na hindi lehitimo ang lisensyang ginamit.
Napag-alaman din sa imbestigasyon na ginamit ang maling pagkakakilanlan upang takasan ang pananagutan sa batas at umiwas sa mga dating parusa. Bawal sa mga empleyado ng gobyerno ang pagsusugal at pagpasok sa mga casino base sa umiiral na mga regulasyon.
Inatasan din ng LTO ang iba pang kasamahan ni Alcantara na magsumite ng paliwanag sa kanilang tanggapan sa darating na Biyernes.
Posibleng kaharapin ng grupo ang habambuhay na pagbawi ng kanilang lisensya at permanenteng diskwalipikasyon mula sa pagkuha ng bagong lisensya.