Tinanggal na sa puwesto ang dalawang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) sa Cagayan Valley matapos ang ginawang pananakit ng mga ito sa isang dalagang singer, kanyang ina, at dalawa pang kasamahan sa Tuguegarao City.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, nakatakdang sampahan ng kasong physical assault sina LTO Region 2 Assistant Regional Director Manuel Baricaua at Chief Enforcer Charles Ursulum.
Sinabi ni Dizon na sumulat na siya kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para permanente nang tanggalin ang dalawa sa kanilang posisyon.
Binigyang-diin ni Dizon na ang mga opisyal ng gobyerno ay nasa puwesto para mag-serbisyo at hindi maghari-harian at mang-abuso at manakit.
Iginiit niya na lahat ng mga ahensiya na nasa ilalim ng DOTR na hindi susunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., wala silang magagawa kundi magpataw ng kaparusahan.
Kasabay nito, nagpasalamat si Dizon sa nag-upload ng video dahil ito ay isang matibay na ebidensiya laban kina Baricaua at Ursulum.
Nagsagawa rin ang Police Regional Office 2 ng imbestigasyon sa nasabing insidente na nangyari sa isang karaoke lounge sa isang hotel sa Barangay Caggay noong gabi ng June 4, 2025.
Kinilala ang mga biktima na sina Vanessa, 20, singer; Rey, 25, isang 15-anyos, at Christopher, 20.
Sinabi ni PRO-2 Director Police Brig Gen. Antonio Marallag Jr., batay sa imbestigasyon, nagkakasiyahan ang mga biktima sa karaoke lounge nang lumapit sina Baricaua at Ursulum at umupo sa tabi ni Vanessa habang siya ay kumakanta.
Tinititigan umano ni Baricaua si Vanessa habang siya ay kumakanta at umano’y hinawakan niya sa baywang.
Dahil sa takot at pagkaasiwa, lumayo umano si Vanessa.
Tinawag naman umano ni Ursulum si Vanessa na umupo sa tabi ni Baricaua, subalit tumanggi ang babae.
Dito na nakialam ang ina ni Vanessa, subalit nagpumilit umano si Ursulum sa kanyang kahilingan, ngunit tumanggi ang ina.
Nilapitan umano nina Baricaua at Ursulum sina Rey at Christopher at sinampal nila ang mga ito.
Tinadyakan pa ni Ursulum sa dibdib si Christopher.
Dahil sa takot, hindi na kumibo at gumanti ang mga biktima at tahimik na bumalik sa kanilang mga upuan.
Hinila umano ng isa sa mga opisyal ang buhok ni Mary ng sinubukan niyang makialam.
Pagkatapos ng insidente, agad na humingi ng legal assistance ang mga biktima at naghain ng reklamo sa tulong ng kanilang abogado.
Isinumite ang reklamo sa City Prosecutor’s Office noong June 13 at nakatakdang iendorso sa Office of the Prosecutor ngayong araw na ito.
Mariing kinondena ni Marallag ang nasabing insidente at tiniyak ang patas at masusing imbestigasyon.