Nanawagan si House Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro sa publiko na huwag munang husgahan si Senador Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng posibilidad na siya ang maging presiding officer ng Senado sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Luistro, magkaiba ang sitwasyon ng naunang impeachment proceedings at ng kasalukuyang kaso laban sa Bise Presidente kaya nararapat lamang na mabigyan si Escudero ng pagkakataong ipakita ang kanyang pagtupad sa tungkuling nakasaad sa Konstitusyon.

Binigyang-diin niya na ang mahalaga ay ang pagiging tapat sa proseso ng pananagutan at hindi ang mga naging pananaw noon tungkol sa interpretasyon ng salitang “forthwith” sa impeachment proceedings.

Samantala, sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na isa si Escudero sa mga ikinokonsiderang mamuno sa impeachment court. Sa ilalim ng Konstitusyon, karaniwang ang Senate President ang nagsisilbing presiding officer sa impeachment trial, maliban kung ang Pangulo ang nililitis.

Patuloy namang inihahanda ng House prosecution panel ang kanilang kaso laban kay Vice President Duterte, kabilang ang mahigit 30 posibleng testigo.

-- ADVERTISEMENT --